SA LIBINGAN NG MGA BAYANI

Poem by Joey A. Tabula Posted online 8:18 AM, November 19, 2017; First published in September 2017

Ginulantang kaming mga bangkay
Ng sepulturero. Tanghaling tapat
Nang iniluwal kami ng sariling puntod.

Mamamahinga na raw si Marcos.
Makakahinga na ang mga Marcos.
Makapagmamahika na ang mga Marcos.

Pumalahaw ang ulap at kalangitan
Sa mga putok ng baril—papuri raw
At paggalang sa sundalong pumanaw.

Kaming nakasantabi’t naisantabing
Patay ang tinatamaan nang tinatamaan
Ng mga de-susi’t unipormadong sundalo.

Walang lakas ang aming kalansay.
Wala nang kalamnan o kasukasuan.
Gusto naming manlaban, manlaban!

Lunggati naming mailibing sa tahimik.
Lunggati naming mailibing. Ngayon,
Lunggati naming mailibing ang tahimik. 

Mag-iingay kami mamayang madaling-araw.
Aalog-alugin ang magkakabiláng tadyang.
Itong mga butó-butóng patpat, pakinggan,
Pakinggan, ay monotonong aalingawngaw!

Unang nailathala ang “Sa Libingan ng mga Bayani” sa antolohiyang Tudla at Tindig: tulang LIRA laban sa huwad na bayani at laksang paglimot (LIRA, 2016).

Si Joey A. Tabula ay isinilang sa San Antonio, Zambales. Naging fellow siya ng Tula sa Iyas (2016) at Iligan (2017) National Writers Workshop. Nasungkit niya ang Unang Gantimpala sa Tula sa 15th Jimmy Balacuit Literary Awards. Kasalukuyang Pangalawang Pangulo siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Mababasa ang kaniyang malilikhaing akda sa Philippines Free Press, Philippines Graphic, LiwaywayPhilippine Daily Inquirer, The Filipino Internist, at ilang lokal na antolohiya. Siya ang editor ng From the Eyes of a Healer: an anthology of medical anecdotes (Alubat Publishing, 2017) at awtor ng isang tsapter sa Painless Evidence-based Medicine, 2nd Edition (Wiley-Blackwell, 2017). Pinarangalan din siya bilang Most Outstanding Resident in Internal Medicine ng Philippine College of Physicians noong 2016. Nagtapos siya ng Medisina sa UP at ng Internal Medicine sa PGH; at kasalukuyang nag-aaral ng MFA in Creative Writing sa DLSU.

Leave a Comment