FROM THE EYES OF A HEALER: ANG PANGANGAILANGAN SA NAKASULAT NA ANEKDOTA

Essay by Joey A. Tabula Posted online 9:45 AM, November 19, 2017; First published in September 2017

Sa mga nagsasanay pa lamang sa Medisina, laging ipinaaalala, kung hindi ito nakasulat, hindi ito naganap. Hindi puwedeng ipalusot ng medical resident

na nakita, naamoy, narinig, nasalat, naisip, o nagawa ang isang bagay kung hindi niya ito naisulat sa medical chart ng pasyente. Kaya naman kinilalang Ama ng Modernong Medisina si Sir William Osler ay dahil sa sipag nitong magsulat at maglathala ng kaniyang mga bagong tuklas at pananaw sa pasyente at maging sa buhay-manggagamot. Kung sinarili lamang niya ang kaniyang mga bagong natutuhan at napagtantong pananaw, kasama niyang nailibing ang mga ito sa araw ng kaniyang pagpanaw sa mundo at hindi napakinabangan ng kaniyang henerasyon at sumunod pang henerasyon ng kapuwa pasyente at manggagamot.

Gayundin din ang panawagan ko para sa nakasulat na anekdota. Napakaraming di-malilimutang kuwento hinggil sa mga pasyente o buhay-manggagamot. Madalas na pinagpasa-pasahang kuwento sa PGH na minsan ay may pasyenteng nagdala ng tandang para ipakonsulta sa manggagamot. Hindi malilimutan ang mga kuwentong ganito. Mabibigla at mapapahalakhak ka sa bibihirang pangyayari. Iyon nga lang, nang una kong marinig ito, pahabol kong tanong, E ano kaya ang nangyari sa manok at sa may-ari ng manok? Ano kaya ang gamot na ibinigay ng manggagamot? Namatay kaya ang manok sa ospital? Nauwi kaya sa demandahan? Kung naisulat sana ang anekdotang ito, madaling mababalikan at makukumpirma ang mga detalye ng kuwento, ang kinahinatnan. Nakilala sana natin ang dakilang intern o resident na dinatnan ng sabungero sa ER. Siyempre hindi lamang hinggil sa kakaibang mga pasyente ang maaaring gawing anekdota. Puwedeng sumulat ng nakatatakot, nakagugulat, nakagagalit, nakalulungkot, nakatatawa, nakakokonsensiya. Napakaraming damdamin sa Medisina ang maaaaring isulat para maging anekdota.

Ang isa pang talab ng nakasulat na anekdota bukod sa mababalik-balikan ito ng sumulat o bumasa ay lumalawak ang pagpoproseso ng sumusulat o bumabasa sa karanasan. Mas lalong tumitining at lumalalim ang pagkilala sa karanasan sapagkat malay ang manunulat sa pagpili ng mga angkop na angkop na mga salita para sa pagkukuwento. Sa ganitong paraan, lalong nasasala ang maganda, mabuti, at totoo, kung mayroon man, sa anekdota. Gayundin din sa mga mambabasa. Madalas ang pagbabasa ay sa tahimik na lugar kung saan matalik na matalik ang ugnayan ng bumabasa sa kaniyang binabasa. Napakapersonal. Makapanlilimi ang mambabasa sa kaniyang pag-iisa kasama ng mga salita sa pahina.

Noong 2014, sumikat ang tweet ng isang tanyag na mamamahayag, si Maki Pulido: “I was in PGH. I didn’t see even an ounce of compassion for very poor patients.” Maraming nagalit na doktor at nars, taga-PGH man o hindi. Nagpalitan ng mabibigat na salita sa social media. May mga kampi sa mga doktor at nars ng PGH, gayundin kay Maki Pulido. Sumbat ng mga doktor/nars, hindi naiintindihan ni Maki Pulido ang sinasabi niya at ng sistema sa PGH. Sukdulan nga naman kasi ang puna ni Maki Pulido. “[Not] even an ounce of compassion,” sabi niya. Napasok na ba niya ang bawat palapag at singit-singit ng PGH para ituran ang ganoong puna? Naroon ba siya araw-araw? Hindi niya nakita ang hinahanap niyang malasakit na namamahay noon at noon pa man at magpahanggang ngayon sa PGH. Hindi niya nakita ang hinahanap niya dahil marahil maiksi ang iginugol niyang sandali sa ospital. Nagmamadali. Hindi siya kumausap ng mga doktor, nars, nursing aide, atbp. Hindi niya rin nabasa marahil ang Surgeons Do Not Cry (UP Press, 2008) ni Ting Tiongco na nagkukuwento ng mga karanasan niya sa PGH bilang medical student at surgery resident o ng Sagad sa Buto (UST Publishing House, 2010) ni Romulo P. Baquiran, Jr na nagsasalaysay ng kaniyang pagkapilay at pagpapagaling sa PGH. Nariyan din ang pasulpot-sulpot na mga sanaysay sa Young Blood ng mga medical student at manggagamot sa UP at PGH. Marahil kaya naging ganoon ang tinuran ng mamamahayag ay dahil hindi niya naiintindihan ang PGH mismo. Ano’ng malasakit kaya ang hindi niya natagpuan sa loob ng haligi ng PGH?

Noong mga panahong iyon, naisip ko na paigtingin ang pagsusulat ng mga anekdota hinggil sa Medisina o buhay-manggagamot. Kaya nagsimula akong lumikha ng antolohiya ng mga medical anecdote mula sa iba’t ibang manggagamot. Mahalaga ang lunsaran ng mga ganitong akda para mabasa at manamnam ng madla, tulad halimbawa ni Maki Pulido, ang karanasan ng mga manggagamot at pasyente. Na ang mga manggagamot sa Filipinas ay may malasakit at nararapat na may malasakit sa mga pasyente. Kung mawawala ang pagmamalasakit, maiigpawan tayong segurado isang araw ni Watson, ang superkompyuter-doktor ng IBM.

Sa isang banda, pasasalamat na din kay Maki Pulido, dahil sa pamamagitan ng kaniyang di-malilimutang tweet, muling napag-usapan at napag-isipan ang di-mapapantayang halaga ng malasakit sa mga pasyente, mayaman man o mahirap. Hindi maikakailang may mga doktor at nars na napapatid ang pisi ng pag-unawa at nakapagbibitaw ng salitang walang himig ng malasakit, at ang ganitong pag-uugali ay mahalagang bantayan at usisain mula sa iba’t ibang anggulo na bunsod ng hindi basta-basta simpleng-simpleng sistema.

Ang From the Eyes of a Healer: an anthology of medical anecdotes ay koleksiyon ng mga danas ng 16 na manggagamot. Ilulunsad ito ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) sa 16 Mayo 2017, 7ng–9ng, sa Conspiracy Bar, Lungsod Quezon. Magkakaroon ng mga pagbasa ng ilang sipi mula sa antolohiya at ng mga pagbigkas ng tula ng mga kasapi ng LIRA. Bukas sa lahat ang lunsad-aklat. Makabibili ng libro sa Solidaridad Bookshop (malapit sa Robinsons Manila), Uno Morato Café (Lungsod Quezon), at sa Sagip Buhay Medical Foundation, Inc. ng PGH Department of Medicine. Maaari ding umorder onlayn sa Bookbed. Maaari ding mag-e-mail ng tanong o komento sa fteoah2@gmail.com.

Si Joey A. Tabula ay isinilang sa San Antonio, Zambales. Naging fellow siya ng Tula sa Iyas (2016) at Iligan (2017) National Writers Workshop. Nasungkit niya ang Unang Gantimpala sa Tula sa 15th Jimmy Balacuit Literary Awards. Kasalukuyang Pangalawang Pangulo siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Mababasa ang kaniyang malilikhaing akda sa Philippines Free Press, Philippines Graphic, LiwaywayPhilippine Daily Inquirer, The Filipino Internist, at ilang lokal na antolohiya. Siya ang editor ng From the Eyes of a Healer: an anthology of medical anecdotes (Alubat Publishing, 2017) at awtor ng isang tsapter sa Painless Evidence-based Medicine, 2nd Edition (Wiley-Blackwell, 2017). Pinarangalan din siya bilang Most Outstanding Resident in Internal Medicine ng Philippine College of Physicians noong 2016. Nagtapos siya ng Medisina sa UP at ng Internal Medicine sa PGH; at kasalukuyang nag-aaral ng MFA in Creative Writing sa DLSU.

Leave a Comment